Sunday, October 8, 2017

Babang Luksa - Edj Mahilum

Ang tulang ito ay tungkol sa paglisan ng kanyang minamahal, mga alaalang kaysaya na hindi na mauulit pa. Ito ay salin ni Olivia Dantes ng “Pabanua” ni Diosdado Macapagal. Nakalahad rito ang lahat ng poot na nararamdaman niya sa paglisan ng kanyang mahal, iniisip niya ang mga posibilidad na mangyari kung hindi namatay ang kanyang mahal. Nagnanais na maibalik ang oras upang makasama pa ang kanyang minamahal ng mas matagal. Palitan ang mga imahe na hindi masaya, at sana madagdagan pa ang kanilang mga alaala. Ngunit alam naman niyang imposible ang mga bagay na iyon, pero hindi parin siya nawawalan ng pagmamahal, naniniwala siyang “hanggang langit ang kanilang pagmamahal”.

Gumamit ang manunulat ng tulang ito ng pormal na lingwahe, kailangan ang matinding pagbabasa at pagaanalisa upang maintindihan ang tulang ito. Mga malalim na mga salita na may mas mabigat na emosyon. May sinunod din na straktura ang manunulat, may labing dalawang sukat ang tulang ito, bawat linya ay may labing dalawang pantig. Nakapaloob sa tulang ito ang isang napakamalungkot na istorya, sa kabuuan ng tula siya nagdadalamhati sa pagsapit ng isang taong anibersaryo ng pagkamatay ng kanyang minamahal. Mula sa simula malungkot ang mga mensahe ng tula, ngunit bawat taludtod ay naiibsan ang dalamhati na kanyang dindala, nababawasan ito unti-unti dahil maraming siya napagtanto na mga bagay bagay. Marami ring mga nagmamahal na nawawalan ng minamahal. Sila ang mga mambabasa na target ng manunulat. Dahil maiiugnay nila ang kanilang mga sarili sa tulang ito. Hindi naman ibig sabihin na hindi ka sawi di mo na maiuugnay ang iyong sarili, bilang mambabasa pwede mo namang ilagay ang iyong sarili sa kuwentong iyon, mararamdaman mo ang pighati ng manunulat.

 Ito ay isang halimbawa ng romantisismo dahil nangingibabaw ang nararamdaman ng manunulat, sa bawat linya na kanyang binibitawan nararamdaman ng mambabasa ang pighati niya. Mga damdaming nangingibabaw sa tula, ang pagmamahal niya sa kanyang yumaong kasintahan, at ang pighati niya rito. Sa tula inaalala niya ang maraming bagay noong nabubuhay pa ang kanyan sinta, inalalahad niya gaano sila kasaya at simple. “Subalit sa akin ang tanging naiwan, Mga alaalang di-malilimutan” sa linyang ito nangingibabaw ang pighati ng manunulat sa dahil lumisan ang kanyang minamahal, at iniwanan pa siya ng mga alaalang alam niyang hindi na mauulit pa at di malilimutan. Sa linya naman na “At sa pagyaon mo’y para ring namatay” mararamdaman mo bilang isang mambabasa kung gaano niya kamahal ito dahil inihahayag niya na hindi niya kayang mabuhay kung mawala man siya. Sa huling mga taludtod mas nangingibabaw ang kanyang pagmamahal sa kanyang sarili at iniisip niyang isang paraan ito ng Panginoon. Ang huling linya ay “Hanggang kalangitan tayo’y magkapiling” may malalim na emosyon na naglalahad na yaring namatay man ang kanyang minamahal, di parin naman mamamatay ang kanyang pagmamahal.



Ilalagay ko ang sarili ko ngayon sa kalagayan ng manunulat. Nagmahal ako ng lubusan, nagpakasaya kami, maraming napagdaanan ngunit patuloy pa rin sa buhay. Ng isang iglap nawala na lamang ang lahat, biglang pumanaw ang aking iniibig, kasabay ng kanyang pagpanaw ang pagguho ng aking mundo. Paano na ako sa aking buhay ngayon, nasanay akong kasama ko siya palagi, nasanay akong dala-dala ko ang aking kaligayahan sa aking mga paglalakbay at mga pagsubok na hinaharap. Sa isang taong anibersaryo ng pagkamatay mo aking sinta bumalik ang lahat, mga alaalang di ko malimutan. Mga tawanan na ating pinagsaluhan, sana maibalik pa natin ang dati. Ako parin ay pumupunta sa mga lugar kung saan tayo noon nag liligawan, hinahanap hanap ka. Nung panahon na napakasaya natin, kung maibabalik ko lang ipagpapalit ko ang aking hininga. Iniisip ko rin na kinuha ka ng Dios ng mas maaga upang ang mga alaala ko sayo ay yaong bata pa, yung tipong hindi ka na tatanda sa aking isipan. Kahit pumanaw ka man ang ating pagmamahal ay hindi mamamatay, hindi matatapos. Sa isang taon na ako’y nangulila sa iyo, nasaisip ko ngayon hanggang sa kalangitan tayo’y magkasama.

No comments:

Post a Comment